Marahil isasagot mo sa akin na dapat siyang mahalin dali ito ang utos niya. Nilikha niya tayo kaya tayo ay may "utang na loob" sa kanya. Inutos nga niya na mahalin natin siya, ngunit kung mamahalin natin siya dahil lang iniutos niya ito at natatakot tayo na mapunta sa impyerno, wala tayong pinagkaiba sa isang kawal na sumusunod sa kanyang hari dahil sa takot na mapugutan ng ulo. Hindi ganito ang gusto ng Diyos. Kung gusto niya ng ganun edi sana gumawa na lang siya ng mga robot na susunod sa lahat ng mga utos niya. Gusto ng Diyos na mahalin natin siya hindi dahil sa takot.
Ang Diyos ay dakila. Kung tutuusin, hindi na niya kailangang iutos na mahalin siya para magkaroon tayo ng dahilan para mahalin natin siya. Napakaraming mga dahilan kung bakit mahal ko ang Diyos. Gusto ko itong ibahagi sa inyo para marealize niyo rin na dapat nga talagang mahalin ang Diyos.
- Una, ang Diyos ay Diyos. Hindi niya tayo kailangan. Kung tutuusin pwede naman siyang mabuhay magpakailanman ng wala tayo. Pero ginawa pa rin niya tayo, at ginawa niya tayo upang makasama niya habambuhay. Dun pa lang napakabuti na ng Diyos. Dapat natin siyang pasalamatan at mahalin dahil dito.
- Pangalawa, binigyan niya tayo ng free will. Ayaw niya ng "fixed marriage", gusto niyang mahalin siya ng kusa. Ganun ang tunay na pag-ibig.
- Pangatlo, ang mga utos niya ay para lang sa atin, wala nang iba. Wala ni isa sa kanyang mga utos ang para sa kanya. Siguro may mga nag-iisip na ang mga utos ng Diyos ay para paligayahin siya. Ngunit, inuulit ko, hindi niya tayo kailangan para lumigaya. Ang mga utos na ito ay parehas ng mga utos sa atin ng ating mga magulang gaya ng: "Huwag kang uuwi ng gabi, kailangan 7 pa lang nandito ka na". Para kanino ba ang utos na ito? Ito ba ay dahil sumasaya ang mga magulang natin kapag nababawasan ang oras natin sa mga kaibigan? Hindi. Nag-aalala sila sa ating kaligtasan. Nag-aalala sila sa atin. Para sa kaligtasan natin ang utos na ito. Ganun din ang Diyos. Ang mga utos niya ay para sa atin.
- Pang-apat, si Hesus. Nagbigay na ng mga utos ang Diyos sa atin para gabayan tayo na gawin ang mga tamang desisyon upang makasama niya tayo sa habambuhay, ngunit hindi pa dun nagtatapos ang lahat. Nagbigay din siya ng isang halimbawa para sa atin, at hindi lang basta halimbawa, ang kanyang anak mismo na si Hesus ang binigay niya. Lahat ng katangiang dapat nating taglayin ay matatagpuan kay Hesus. Patunay lang ito kung gaano tayo kamahal ng Diyos. Bakit ba mag-aabala ang Diyos na gawin lahat ng ito para sa atin? Dahil mahal niya tayo.
Sa ngayon, hindi pa natin nakikita ang buong plano ng Diyos. Siguro nga may mga masasamang bagay na nangyayari sa atin ng di-inaasahan, nagtatanong din tayo kung bakit hindi makatarungan ang mundo?, bakit may mayaman at mahirap?, bakit mas naaapi ang mga mabubuti? at marami pang iba, ngunit may isa akong natutunan nang ako ay gumaling sa aking sakit na brain tumor, na kahit ano mang mangyari sa atin, kahit gaano kasama, pagkatapos ng lahat, pag nalaman na natin ang dahilan ng Diyos kung bakit niya ito hinayaan, wala tayong masasabi kundi: "Salamat po Lord!".
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento