Huwebes, Hunyo 2, 2011

Ang Katapusan ng Mundo

            Noon lang May 21, 2011 mayroong mga nagsabi na magugunaw na ang mundo, pero di naman natuloy. "End of the world", "Rapture", "Second Coming", Judgement Day", ilan lamang ito sa mga tawag sa sinasabing katapusan ng mundo.

            Natatakot tayo pag pinag-uusapan ang pagkagunaw ng mundo, siguro dahil naiwan sa atin ang mga eksena sa pelikulang 2012. Yung iba naman ayaw pang magunaw ang mundo dahil gusto pang makapagtapos, makapag-asawa, atbp. Dapat lang naman talaga na matakot tayo kung ang "end of the world", ay kagaya ng nasa pelikulang 2012. Pero ganun nga ba talaga ang mangyayari?

            Ang "end of the world" na sinasabi sa Bibliya ay hindi lang katapusan ng mundo kundi simula ng ating buhay na walang hanggan. Ang sinasabing "end of the world", ay ang muling pagbabalik ni Hesus dito sa lupa, kaya bakit nga ba natin ito kinatatakutan?

            May nabasa na akong status sa facebook na ganito: "Lord, wag niyo po muna sanang gugunawin ang mundo, gusto ko pa pong makapag-asawa at magkaroon ng mga anak.". Pero nasasabi lang natin ang ganito dahil hindi natin alam kung ano ba ang naghihintay sa atin sa langit. Parang ganito: sinusundo na ng magulang ang anak nila na naglalaro sa lumang playground dahil pupunta sila sa Enchanted Kingdom. Ayaw sumama ng bata dahil nag-eenjoy pa ito sa paglalaro. Para tayong yung batang iyon. Ayaw pa nating magunaw ang mundo dahil gusto pa nating mag-enjoy lalo dito sa lupa. Hindi natin alam kung anong tinatanggihan natin.

            Bakit nga ba may mga taong ayaw pang dumating uli sa lupa si Kristo? May isang pinakamalaking dahilan kung bakit nagkakaganito ang ibang mga tao. Yun ay dahil sa "attachment" sa mundong ito. Ayaw nating magunaw ang mundo dahil "napamahal" na tayo sa mundong ito. Yun mismo ang gustong mangyari ng demonyo, na masyado tayong mapamahal sa mundong ito sa puntong ayaw na nating hangarin ang buhay na talagang nakahanda para sa atin.

            Ano nga ba ang naghihintay sa langit? Hindi ko rin alam. Basta ang alam ko, di hamak na mas maganda at mas masarap mamuhay sa langit kasama ang Diyos. Dito pa lang sa lupa ay ramdam ko na ang matinding pagmamahal sa akin ng Diyos, hindi ko maimagine kung gaano pa kaya katinding pagmamahal ang mararamdaman ko pag nakasama ko ang Diyos sa langit.

            Ang katapusan ng mundo ay di natin dapat tingnan bilang katapusan kundi simula lang ng tunay nating buhay. Dapat nating gawin ang lahat upang maging karapat-dapat na makasama ng Diyos sa langit. Hindi natin ito dapat ikatakot, kundi dapat natin itong hintayin at ipagdiwang.

Martes, Mayo 31, 2011

Ang Limitasyon ng Pag-Unawa ng Tao

           Bakit nga ba may mayaman at mahirap sa mundo? Hindi ba pantay-pantay naman ang pagmamahal sa atin ng Diyos? Bakit yung iba ay kailangang maghirap para sa kakainin nila? Bakit nga ba may mga mas magaganda/gwapo kaysa sa iba? Hindi ba pantay-pantay naman ang pagmamahal sa atin ng Diyos? Bakit ganun?

            Mas marami pang mga tanong na maidadagdag sa mga katanungang nasa taas. Bakit nga ba parang hindi patas ang mundo? Maniwala ka sakin sa sasabihin ko na patas ang mundo, huwag mo lang akong tatanungin kung bakit kasi hindi ko rin alam. Basta ang alam ko ay patas ang mundo.

            May mga limitasyon kasi tayo sa ating pang-unawa. Gaya na lang ng halimbawang ito:

           Naiinis ang mga kabataan ngayon kapag hindi sila pinapayagan ng kanilang mga magulang sa mga lakad nila. Pero pag dumating ang araw at sila naman ang nagkaroon ng sarili nilang mga anak, saka nila nasasabi sa sarili nila na: "tama nga pala sila mama at papa noon." Bakit nagkakaganito? Dahil sa kakulangan sa pag-unawa. Saka lang natin nauunawaan ang nararamdaman ng ating mga magulang kapag naging magulang na din tayo.

          Ang dahilan kaya hindi nauunawaan ng mga kabataan ang mga magulang nila ay dahil tinitingnan at nauunawaan nila ang sitwasyon ayon sa pagtingin at pag-unawa ng isang kabataan. Nakikita nila na hindi sila makakapagsaya, ngunit hindi nila nakikita na nag-aalala ang kanilang magulang para sa kanilang kaligatasan.

          Ganun din sa mundong ito. Hindi patas ang mundong ito ayon sa ating paningin at pang-unawa ng tao, pero ayon sa Diyos, oo. Ang Diyos ang talagang nakakaunawa ng lahat, ang tanging magagawa lang natin ay ang magtiwala sa kanya, at patuloy siyang sambahin.

Biyernes, Mayo 27, 2011

Ang Mga Kasinungalingan sa Mundo

            Nais tayong ilayo ng demonyo sa Diyos. Paano nga ba niya tayo nilalayo sa Diyos? Sa pamamagitan ng panloloko. Napakaraming kasinungalingang galing sa demonyo ang pumipigil sa atin sa pag-gawa ng mabuti, dahil alam niya na ito ang naglalapit sa atin sa Diyos. Ang mga ito ay dapat nating alisin sa ating isipan.

  • Ang pinakamalaking kasinungalingan na pinaniniwalaan ng ibang mga tao ay ang pag-iisip na walang Diyos. Kasama rin dito ang pag-iisip na wala nang pangalawang buhay, na ang buhay natin dito sa lupa ang tunay na nating buhay. Ang mga taong ganito ang pag-iisip ay ginagawa ang lahat para paligayahin ang sarili habang sila ay nabubuhay pa. Nagpapakaligaya sila sa mga materyal na bagay sa mundong ito, sa pera, mga ari-arian, at marami pang iba. Ang katotohanan: Mayroong Diyos at ang buhay natin dito sa lupa ay isa lamang pagsubok. Ang tunay na buhay ay ang buhay na walang-hanggan. Ang lahat ng mga bagay sa mundong ito ay lilipas, kaya mas mainama na mag-ipon tayo ng kayaman sa langit kaysa dito sa lupa.
  • Ang pangalawa ay ang pag-iisip na mas masarap gawin ang bawal kaya ang mga mabubuti ay hindi lumiligaya. Isa rin itong maling pag-iisip. Ang pag-gawa ng mabuti ay makapagbibigay ng ligaya sa atin kung iisipin natin na napapaligaya natin ang Diyos dahil sumusunod tayo sa kanya. Parang noong mga bata tayo, tuwang-tuwa tayo kapag na-vevery good tayo ng teacher natin. Dapat ganoon pa rin tayo ngayon. Kapag nakakagawa tayo ng mabuti, isipin natin na tinatatakan tayo ng Diyos ng star sa ating kamay na may nakasulat pang very good.
           Napakarami pang ibang mga kasinungalingan na nandito sa mundo natin ngayon. But wait, there's more. Hindi naman tayo hahayaan ng Diyos na mabiktima nang mga ito. Nariyan ang salita ng Diyos para ating panghawakan hanggang sa muling pagdating ni Hesus. Sinabi nga ng Diyos na: "Ang langit at ang lupa ay lilipas, ngunit ang aking mga salita ay hindi." Maging si Hesus mismo ay nagsabing: "Ako ang Daan, ang Katotohanan at ang Buhay. Sa bawat aksyon na ating gagawin, pwede nating tanungin ang ating sarili ng: "Kung si Hesus kaya ang nasa aking lagay, gagawin niya rin kaya niya ito?" o ng: "Tama ba ito ayon sa nasusulat sa Bibliya?"

          Sabi nga ni Blessed Pope John Paul II bago siya namatay: The greatest problem of the world today is loss of sense of sin. Ang mali ay nagiging tama sa paningin ng tao. Ngunit mahal tayo ng Diyos kaya binibigay niya sa atin ang katotohanang kailangan natin. Hindi niya tayo hinahayaang mapunta sa masama. Pero nasa atin pa rin ang desisyon kung ano ang paniniwalaan natin. Sana piliin nating paniwalaan ang totoong mabuti, at hindi ang kabutihang ipinapakita sa atin ng mundo.

Huwebes, Mayo 26, 2011

Ang Kadakilaan ng Diyos

            Ang "dakila" sa english ay "great", "magnificent" at "majestic". Dakila nga ba ang Diyos? Dapat ba natin siyang mahalin at pasalamatan?

           Marahil isasagot mo sa akin na dapat siyang mahalin dali ito ang utos niya. Nilikha niya tayo kaya tayo ay may "utang na loob" sa kanya. Inutos nga niya na mahalin natin siya, ngunit kung mamahalin natin siya dahil lang iniutos niya ito at natatakot tayo na mapunta sa impyerno, wala tayong pinagkaiba sa isang kawal na sumusunod sa kanyang hari dahil sa takot na mapugutan ng ulo. Hindi ganito ang gusto ng Diyos. Kung gusto niya ng ganun edi sana gumawa na lang siya ng mga robot na susunod sa lahat ng mga utos niya. Gusto ng Diyos na mahalin natin siya hindi dahil sa takot.

          Ang Diyos ay dakila. Kung tutuusin, hindi na niya kailangang iutos na mahalin siya para magkaroon tayo ng dahilan para mahalin natin siya. Napakaraming mga dahilan kung bakit mahal ko ang Diyos. Gusto ko itong ibahagi sa inyo para marealize niyo rin na dapat nga talagang mahalin ang Diyos.


  • Una, ang Diyos ay Diyos. Hindi niya tayo kailangan. Kung tutuusin pwede naman siyang mabuhay magpakailanman ng wala tayo. Pero ginawa pa rin niya tayo, at ginawa niya tayo upang makasama niya habambuhay. Dun pa lang napakabuti na ng Diyos. Dapat natin siyang pasalamatan at mahalin dahil dito.
  • Pangalawa, binigyan niya tayo ng free will. Ayaw niya ng "fixed marriage", gusto niyang mahalin siya ng kusa. Ganun ang tunay na pag-ibig.
  • Pangatlo, ang mga utos niya ay para lang sa atin, wala nang iba. Wala ni isa sa kanyang mga utos ang para sa kanya. Siguro may mga nag-iisip na ang mga utos ng Diyos ay para paligayahin siya. Ngunit, inuulit ko, hindi niya tayo kailangan para lumigaya. Ang mga utos na ito ay parehas ng mga utos sa atin ng ating mga magulang gaya ng: "Huwag kang uuwi ng gabi, kailangan 7 pa lang nandito ka na". Para kanino ba ang utos na ito? Ito ba ay dahil sumasaya ang mga magulang natin kapag nababawasan ang oras natin sa mga kaibigan? Hindi. Nag-aalala sila sa ating kaligtasan. Nag-aalala sila sa atin. Para sa kaligtasan natin ang utos na ito. Ganun din ang Diyos. Ang mga utos niya ay para sa atin.
  • Pang-apat, si Hesus. Nagbigay na ng mga utos ang Diyos sa atin para gabayan tayo na gawin ang mga tamang desisyon upang makasama niya tayo sa habambuhay, ngunit hindi pa dun nagtatapos ang lahat. Nagbigay din siya ng isang halimbawa para sa atin, at hindi lang basta halimbawa, ang kanyang anak mismo na si Hesus ang binigay niya. Lahat ng katangiang dapat nating taglayin ay matatagpuan kay Hesus. Patunay lang ito kung gaano tayo kamahal ng Diyos. Bakit ba mag-aabala ang Diyos na gawin lahat ng ito para sa atin? Dahil mahal niya tayo.
           Sa ngayon, hindi pa natin nakikita ang buong plano ng Diyos. Siguro nga may mga masasamang bagay na nangyayari sa atin ng di-inaasahan, nagtatanong din tayo kung bakit hindi makatarungan ang mundo?, bakit may mayaman at mahirap?, bakit mas naaapi ang mga mabubuti? at marami pang iba, ngunit may isa akong natutunan nang ako ay gumaling sa aking sakit na brain tumor, na kahit ano mang mangyari sa atin, kahit gaano kasama, pagkatapos ng lahat, pag nalaman na natin ang dahilan ng Diyos kung bakit niya ito hinayaan, wala tayong masasabi kundi: "Salamat po Lord!".

Lunes, Mayo 23, 2011

Ang Buhay ng Tao sa Mundo

            Ano nga ba ang mangyayari sa atin pag tayo ay namatay? Ang aking panananaw noon ay pag namatay ang tao ay para lang siyang makakatulog, pero di na siya magigising. Ganun lang. Pero ganun nga lang ba ang buhay ng tao?

            Ang ganung pananaw ay pananaw ng isang hindi naniniwalang may Diyos. Kung di ka naniniwalang may Diyos, ganun lang ang buhay para sayo, mag-aaral ka, magkakatrabaho, magkaka-asawa't anak, mamamatay, makakalimutan ng lahat ng taong iniwan mo sa mundo. Ang mga taong ganito ay ang mga naniniwala sa kasabihang: "live life to the fullest", habang nabubuhay ka, magpakasaya ka na sa abot ng iyong makakaya, dahil dadating ang isang araw na mamamatay ka. Ang silbi lang ng buhay ay ang paligayahin ang iyong sarili, wala ng iba. Ang mga taong ganito ay naniniwala kay Darwin, na ikaw ay binuo lang ng pagkakataon, nagkataon lang ang lahat, ang iyong mga magulang, ang iyong bansang sinilangan, lahat.

          Bago ko ipagpatuloy ay kailangang kumbinsihin ko muna kayo na mayroon ngang Diyos.

  • Ang perpektong ayos ng buong universe ay prueba na mayroong isang nilalang na gumawa ng lahat. Mas mahirap paniwalaan na ang ayos ng buong universe ay bunga lamang ng mga aksidente, parang ganito: maglagay ka ng papel at ballpen sa isang kahon, kalog-kalugin mo, tapos pagbukas mo ay mayroon ka nang isang essay, o isang drawing. Bago ka makabuo ng isang essay o isang drawing, kailangan isipin mo muna kung ano ang iyong isusulat o iguguhit, tapos gawin mo.
  • Ang konsepto ng mabuti o masama. Ano nga ba ang pagkakaiba ng mabuti sa masama. Sa klase namin sa Philosophy, binigyang kahulugan ang salitang "kasamaan" ng ganito: "ang kasamaan ay ang kawalan ng kabutihan." Ngunit paano mo naman bibigyang-kahulugan ang salitang kabutihan? Ang konsepto ng kabutihan ay nasa ating isipan na, hindi mo na kailangang bigyang kahulugan pa. Kung ganun, siguro may isang nilalang na naglagay ng konseptong iyon sa ating mga isipan.
          Ano nga ba ang dahilan ng ating buhay?

          Bakit nga ba iginuhit ang "Mona Lisa"? Walang ibang makasasagot ng tanong na yan nang tama kundi ang taong gumuhit nito. Maaari tayong magkaroon ng ideya kung bakit, pero di natin ito sigurado. Ganun din sa ating buhay. Kailangan nating tanungin ang lumikha sa atin. Siya lang ang siguradong nakakaalam.

          Bakit nga ba ginawa ng Diyos ang mundo at ang mga tao? Ang isang madalas na maling pananaw tulad dito ay: "nilikha ng Diyos ang mundo at mga tao dahil mag-isa lang siya at siya ay nalulungkot." Mali yun. Hindi kailangan ng Diyos ng kahit ano para lumigaya. Nilikha niya tayo para mahalin at para mahalin din natin siya.

          Kung ganun nga, ang dahilan ng ating buhay ay ang mahalin, at sambahin ang Diyos. Marahil, maiisip ng mga maliit ang paniniwala sa Diyos na ang dahilan na ito ay makasarili. Minsan na ring sumagi ito sa isip ko. Ngayon, alam ko na na ang Diyos ay hindi makasarili, kung tutuusin, hindi na naman niya kailangan ng kahit na ano diba? kung makasarili ang Diyos, edi sana namuhay na lang siya sa habang panahon ng mag-isa.

         Ang buhay na ito ay hindi pa ang tunay na buhay natin. Nilikha tayo ng Diyos upang mabuhay magpakailanman. Ang tanong ay kung saan natin gugugulin ang magpakailanman na ito, sa langit kasama ang Diyos, o sa impyerno. Ang buhay na ito ay isa lamang pagsubok kung karapat-dapat ba tayong mamuhay ng habang panahon sa langit kasama ang Diyos.

        Kaya dapat tinatanong natin ang ating sarili ng: "nabubuhay ba ako para sa Diyos, o para sa aking sarili?" kung para sa Diyos, ipagpatuloy mo lang iyan habang hinihintay ang araw ng paghuhukom, kung para sa sarili, dapat magisip-isip ka na.