Huwebes, Hunyo 2, 2011

Ang Katapusan ng Mundo

            Noon lang May 21, 2011 mayroong mga nagsabi na magugunaw na ang mundo, pero di naman natuloy. "End of the world", "Rapture", "Second Coming", Judgement Day", ilan lamang ito sa mga tawag sa sinasabing katapusan ng mundo.

            Natatakot tayo pag pinag-uusapan ang pagkagunaw ng mundo, siguro dahil naiwan sa atin ang mga eksena sa pelikulang 2012. Yung iba naman ayaw pang magunaw ang mundo dahil gusto pang makapagtapos, makapag-asawa, atbp. Dapat lang naman talaga na matakot tayo kung ang "end of the world", ay kagaya ng nasa pelikulang 2012. Pero ganun nga ba talaga ang mangyayari?

            Ang "end of the world" na sinasabi sa Bibliya ay hindi lang katapusan ng mundo kundi simula ng ating buhay na walang hanggan. Ang sinasabing "end of the world", ay ang muling pagbabalik ni Hesus dito sa lupa, kaya bakit nga ba natin ito kinatatakutan?

            May nabasa na akong status sa facebook na ganito: "Lord, wag niyo po muna sanang gugunawin ang mundo, gusto ko pa pong makapag-asawa at magkaroon ng mga anak.". Pero nasasabi lang natin ang ganito dahil hindi natin alam kung ano ba ang naghihintay sa atin sa langit. Parang ganito: sinusundo na ng magulang ang anak nila na naglalaro sa lumang playground dahil pupunta sila sa Enchanted Kingdom. Ayaw sumama ng bata dahil nag-eenjoy pa ito sa paglalaro. Para tayong yung batang iyon. Ayaw pa nating magunaw ang mundo dahil gusto pa nating mag-enjoy lalo dito sa lupa. Hindi natin alam kung anong tinatanggihan natin.

            Bakit nga ba may mga taong ayaw pang dumating uli sa lupa si Kristo? May isang pinakamalaking dahilan kung bakit nagkakaganito ang ibang mga tao. Yun ay dahil sa "attachment" sa mundong ito. Ayaw nating magunaw ang mundo dahil "napamahal" na tayo sa mundong ito. Yun mismo ang gustong mangyari ng demonyo, na masyado tayong mapamahal sa mundong ito sa puntong ayaw na nating hangarin ang buhay na talagang nakahanda para sa atin.

            Ano nga ba ang naghihintay sa langit? Hindi ko rin alam. Basta ang alam ko, di hamak na mas maganda at mas masarap mamuhay sa langit kasama ang Diyos. Dito pa lang sa lupa ay ramdam ko na ang matinding pagmamahal sa akin ng Diyos, hindi ko maimagine kung gaano pa kaya katinding pagmamahal ang mararamdaman ko pag nakasama ko ang Diyos sa langit.

            Ang katapusan ng mundo ay di natin dapat tingnan bilang katapusan kundi simula lang ng tunay nating buhay. Dapat nating gawin ang lahat upang maging karapat-dapat na makasama ng Diyos sa langit. Hindi natin ito dapat ikatakot, kundi dapat natin itong hintayin at ipagdiwang.